Mahal Kita
Mahal kita,Sapagkat magkalagyo ang ating pananaw
At sumama ka sa mga mapanganib kong pagtagunton
Sa mga maiilap na berso. Hindi mo ako iniwang
Nag-iisa sa kabila ng mga bigong
Pagtatangkang sungkitin ang mga awit
Na kailanma’y hindi ko natagpuan.
Dahil natagpuan ko ang talabing
Sa iyong mapaglingap na pagsinta
At humingalay sa sumbo ng iyong pagmamahal.
Tinuruan mo akong usalin ng labi
At himayin ng aking puso ang ibinubulong
Nito na kailanma’y hindi ko naunawaan.
Dahil sabay tayong umimbayog
Sa liting ng mga salita, kung paano ko binigkas
Ang mga tula sa mga sandaling magkasama.
Laging may pagnanasang dinadama
Ang mga himig ko na naging himig
Mo na rin sa tuwing pinagsasanib
Ang mga labing naglalasing sa kahabaan ng gabi.
Dahil hinaplos mo ang mga tumubong
Subyang sa aking dibdib. Nagagawa mong yakapin
Ako sa kabila ng mga pagsusumiksik
Ng galit sa puso habang patuloy
Kong inuusal ang mga salitang
Hindi ko naman naiintindihan. Dala lamang
Marahil ng sumpang nakaukit sa pagkatao
Upang ariin ang lahat na maging isang kalaban.
Dahil binabanggit mo ang pangalan ng aking puso
Na matiyaga mong hinanap ang itinuturo
Nito, isapupo ng mapaglingap mong bisig,
Turuang magmahal upang makilala ang mundo
Na kailanman ay hindi ko nasumpungan
Sa mga kahapong hindi malinaw
Kung saan manggagaling ang umaga.
Dahil hindi ka nagsasawang pakinggan
Ang mga tulang matagal ko nang hinugot
Sa aking talaarawan, kung paano ko ginawang
Bikigan ang diwa upang ibaon ang mga salita
Ngunit binuhay mo ang lahat at muling
Ipagdiwang ang aking mga akdang
Hindi ko kailanman inangking kayamanan,
Ngunit itinuring mong isang kumikinang.
Dahil ipinakilala mo sa akin ang mundo
Kung gaano kaganda, kung paano ko natutuhang
Sabayan ang mga awit ng mga ibon
Sa kalangitan. Tinuruan mo ako kung paano bigkasin
Ang mga himig na ibinubulong ng mga lagaslas ng batis.
Tinuruan mo ako kung paano umawit nang umawit,
Damahin ng puso ang mga ibinubulong nito, kung gaano
Kaganda kapag ang mga sinasambit nito’y ang ating pag-ibig.
Dahil nakita ko ang mga naglahong panaginip na muling
Binubuhay ng iyong mga pangako at kahilingan.
Nadarama ko ang matamis na pangakong sinasambit
Paulit-ulit ng iyong mga mata tuwing pinagmamasdan kita.
Nauunawaan nito ang mga hinahanap ng aking diwa
Sa pag-ibig na hindi ko pa nasisilayan sa mahabang panahon.
Dahil patuloy mong hinahaplos ang aking puso
Sa mga gabing mapanglaw ang mga balintataw
Na dumadaig sa aking pagkatao. Hindi mo ako iniwan
Sa mga sandaling nais linlangin ng mga manhid
Na imahinasyon ang aking diwa. Nagagawa mong itakip
Ang iyong katawan sa mga sandaling nais durugin
Ng mga pagkabigo ang aking mga pangarap.
Dahil sa iyo, kaya nais kong muling mangarap.
Dahil nakikita mo ang mga kahapong nakaguhit sa aking pisngi,
Kung paano ako binulag ng mga nakaraang naghandog
Ng maling landas, itaboy sa malayong lupain,
Makulong sa mga pagkukunwari at karimlan.
Hinanap mo ang nawawalang landas na nag-uugnay sa buhay
At pagkatao ko at inalay sa aking mga pagod na paa, muling
Magnilay kasama ang bagong pangakong aking ipinagbunyi.
Dahil sa kabila ng pagtakwil sa akin ng ating mundo,
Naroon ka sa dilim na naghihintay ng aking pagdating.
Niyakap mo ako sa kabila ng maitim kong nakaraan
At lumuha ka, nang mapagmasdan ang daigdig
Kong lumuluha. Puno ng pagmamahal na binigkas
Mo ang mga katagang hindi ko kailanman napakinggan.
Dahil inaawit mo ang aking mga awit na hinabi
Ko sa aking nakaraan at dalhin ako sa umagang
May awit, kasabay ng iyong tinig.
Ipinadama mo na ang bawat himig na inuusal
Ng aking damdamin ay mahiwaga,
Tulad ng hiwaga na matagal na hiniling
Sa mga anito at diyosa ng sandaigdigan.
Dahil nakita ko sa iyong mga mata ang hiwaga.
Nasaksihan ko kung paano nito ipinamalas
Ang mga larawan ng tagong daigdig na madalas
Kong matunghayan sa aking mga panaginip.
Nakita ko mula sa iyong mga mata ang wagas
Na kagandahan ng lahat.
Dahil ikaw ang aking umaga, kung paano
Mo pinagningas ang aking mga araw at punuin
Ng mga pangako ang bawat paglipas ng sandali.
Ikaw ang init ng aking katanghalian,
Ikaw ang naging karamay sa lamig
Ng mahabang magdamag.
Dahil tinuruan mo akong huwag matakot
Sa aking kamatayan. Kung paanong hindi ka natatakot
Lagutan ng umaga kung ako ang iyong kasiping.
Tinuruan mo akong harapin ang bukas kahit walang
Susunod na bukas. Kung ang lahat ng ito ay magwawakas
Na tayong dalawa ang magkapiling.
Mahal kita.



